Saturday, June 8, 2013

An open letter from Charice's mom, Raquel Pempengco


MANILA, Philippines -- An emotional Raquel Pempengco on Friday went public with her rift with her daughter, singer Charice, who recently admitted she is a lesbian. Raquel Pempengco and Charice. File photos The older Pempengco held a press conference Friday noon to confirm that the 21-year-old singer has indeed chosen to live apart from her family, a week after the latter admitted on national television her sexual preference. Pempengco read an open letter, addressed to entertainment journalists, to express hurt over her current "situation." A single mom, Pempengco retraced her family's humble beginnings. She said that amid trials then, they still managed to stay together. While they now enjoy a comfortable state of living, she said she is saddened that it came at the price of her family being apart. Crying at one point, she said she and her second child, Carl, continue to pray for Charice's welfare, even though the singer, according to Pempengco, has chosen to "turn her back" on them. Here is the full letter of Pempengco, as read by her during the press conference: "Maharil marami sa inyo ang masama ang loob sa akin dahil nananahimik ako nang matagal na panahon. May ilang beses din na nakapagdesisyon ako na magsalita ngunit binabawi ko rin naman. Pasensya na po. "Nahihirapan po ako sa aking kalagayan, dahil po ngayon hati pa rin ako sa pagiging tao at sa pagiging ina. "Maraming beses na ginusto ko magsalita dahil parang sasabog na ang dibdib ko sa emosyon, pero maraming beses ko na rin pinili na maging isang ina at palipasan ang init ng aking emosyon, upang protektahan ang aking mga anak. "Pinili ko rin po ngayon na kitain kayong lahat dahil napakaespesyal ang bahay na ito sa amin. Dito kami tumutuloy noong wala kaming matirhan o makain. Opo, ganito kalayo ang dinarayo namin dahil marami sa aming mga kapitbahay noon na pinapatayan kami ng ilaw, pinagsasarahan ng gate, o hindi pinapansin kapag humihingi ng tulong. Sina Tito William, sina Tita Belen ang naging takbuhan namin. "Nitong mga nakaraang araw at mga buwan, laging bumabalik sa isipan ko ang mga pinagdaanan ng aming pamilya noong wala pa kami. "May mga araw din na gusto kong sumuko, gusto kong iwanan ang mga anak ko. Naiisip ko rin po na ibigay sila sa mga taong kaya silang bigyan ng magandang kinabukasan. Pero sa tulong ng Diyos, sa pagmamalasakit ng mga tunay na kaibigan, at lalung-lalo na sa pagmamahal ko sa mga anak ko, hindi ko ginawa 'yun. "Nang naabot ni Charice ang kanyang tagumpay, akala po namin na magiging maayos ang lahat. Nabili namin ang mga gusto namin, nawala ang takot kung saan kami kakain o matutulog. Akala ko iyon na ang simula ng magandang buhay namin. "Pero lately po naisip ko baka mas maganda bumalik na lang kami sa dati, noong mga araw na naghihirap kami, doon sa mga araw na umiiyak na madalas at naglalakbay nang madalas na magkasama. "At least po noon, malinaw na malinaw sa akin kung sino ang tunay na nagmamahal sa amin. At least po noon, magkakasama pa kaming tatlo sa mga pagsubok sa buhay. "Isang pangarap nga po sa amin ang sumikat at yumaman, pero ngayon ko po naitatanong sa sarili ko kung karapat-dapat na kapalit ng sikat at yaman ang samahan ng tinuturing na mga kaibigan mula sa simula. Sapat na ba ang sikat at yaman upang mapunan ang pagkawala ng isang buong pamilya? "Sa totoo lang po, hindi ko alam kung saan tumutuloy ang anak ko. Nalaman ko na lang noong naglabasan ang mga articles noon sa kanya, at sa pagsasabi ng malalapit niyang mga kaibigan. "Dumaan po ang birthday niya pero hindi namin siya nakita. Birthday po iyon at ako ang kanyang ina, ako ang nagluwal sa kanya sa mundong ito. Sa tingin ko po, natural lang naman na gusto ko makibahagi sa mga espesyal na okasyon ng buhay niya. Kahit 'yung birthday na lang po, pero hindi ako naging bahagi noon. "Hindi po namin siya nakita ni Carl noong kaarawan niya, gayon din noong mga nakaraang taon. Ilang Pasko at bagong taon na rin na hindi namin nakapiling o nakausap. "Siguro po sa ibang tao, birthday lang 'yun, party lang 'yun, holiday lang 'yun, pero sa tingin ko po, maiintindihan ng lahat ng ina ang sinasabi ko, lalo na 'yung mga nangungulila na mabuo ang kanilang pamilya. "Hindi ko ipagkakaila na hindi ako perpektong ina o tao. Nagkakamali rin po ako. Kahit ilang taon na ako, hindi pa rin po ako perpekto. Nagkakamali pa rin po ako, ngunit natututo ako sa mga pagkakamaling iyon at sinubukan ko maging isang mabuting tao, mas mabuting ina pagkatapos. "Sigurado naman ako na walang ina na gugustuhing mapahamak o masaktan ang kanyang mga anak. Pagbali-baliktarin man natin ang mundo, anak ko pa rin si Charice, anak ko pa rin si Carl. At kahit anong mangyari, kahit anong desisyon nila sa buhay, ina pa rin nila ako at anak ko pa rin sila. Lahat ng gusto nilang gawin noon at ngayon ay sinusubukan kong suportahan sa abot ng aking makakaya. "Ipinagdarasal na lang namin ngayon ni Carl ang sitwasyon na ito ngayon. Kami pong pamilya ni Charice ay pinapaubaya na ito lahat sa Diyos. "Una, pinagdarasal po namin na lahat ng nakakasama at makakasama ni Charice ngayon, na silang lahat ay aalagaan siya, poprotektahan at mamahalin siya, oo, bilang isang singer, pero higit sa lahat bilang isang tao. Pinagdarasal namin na ang pag-aalaga, pagpoprotekta at pagmamahal ay totoo at walang hinihingi o hinihintay na kapalit, na ano man ang mangyari ay hindi sila susuko at iiwan si Charice. "Pangalawa, pinagdarasal namin na tumanda si Charice bilang isang mabuting tao at lumaki siya na maka-Diyos, tapat, may malasakit sa kapwa, at may takot. Dasal po namin na palagi siyang magpasalamat sa mga biyayang dumarating sa kanyang buhay, na nakakatulog siya nang mahimbing tuwing gabi nang walang alinlangan at magkaroon siya ng tunay na kaligayahan. "Pangatlo, dalangin namin ni Carl na malagpasan namin ang lahat ng ito. Dasal po namin na bigyan kami ng lakas ng loob ng Panginoon. "Napakasakit ng mga nangyayaring ito sa aming pamilya, lalo na sa akin. Ang pakiramdam po namin ay itinakwil na kami ni Charice, tinalikuran, isinantabi at hindi po basta-basta nawawala ang sugat na galing doon. "Huli sa lahat, pinagdarasal po naming lahat ang mga taong involved sa sitwasyon na ito, na makita po naming lahat ang katotohanan. At the end of the day, pangalawa sa Diyos, pamilya pa rin ang matatakbuhan. "Ang mga kaibigan po, mawawala, lilipas din sila, pero ang pamilya, naniniwala po kami ni Carl, iyan ang mga taong matatakbuhan mo dahil binigay 'yan sa atin simula pa lang ng ating buhay. Iyan ang mga taong pakikisamahan tayo, aalagaan tayo, minamahal tayo kahit wala tayong maibigay na kapalit. "Kinakaya po naming lahat. Napakahirap pero patuloy pa rin ang buhay namin ni Carl. Maraming nagbabago na mahirap tanggapin pero pinipili po namin na magpakatatag at sulitin ang buhay na ibinigay sa amin. "Kung tunay po tayong nagmamahal, nalalaman natin kung kailan dapat tumahimik, dapat magsalita, kung kailan dapat tumanggap at magparaya, at kung kailan dapat magsakripisyo. "Kung kailangan yakapin namin ngayon ang pananaw na hindi sa amin, at tunay na magiging maligaya si Charice, gagawin namin, napakasakit man nito sa amin. "Maraming salamat po sa mga nakikinig sa aming mga saloobin. Anuman po ang masasabi o maiisip ng mga tao pagkatapos nito, ipapasa-Diyos ko na lang po. "Pipilitin po namin na magpatuloy ang aming buhay. Hindi kami susuko sa pag-asang magiging maayos ang lahat. Pipilitin po naming hindi sayangin ang buhay na magkasama ni Carl. "Sa ganito pong sitwasyon, napakadali pong manghusga kung sino ang tama at sino ang mali, kung sino ang may sala at sino dapat ang parusahan. Alam ko na napakadaling mag-enjoy sa pagbibigay at paghihimay ng bawat detalye ng kwento, pero hindi ko po gagawin ito ngayon. "Nakaharap ako sa inyo at pinili ko narin po na maging isang ina para sa mga anak ko."

Receive all updates via Facebook. Just Click the Like Button Below

?

Powered By | Gadgets Via Blogger Widgets