Wednesday, February 27, 2013

Rico Blanco at Barbie Almalbis, tiwala sa husay ng OPM artists kahit dagsa ang foreign acts sa bansa


Matagal nang usapin sa industriya ng musikang Pilipino ang patuloy na pagdami ng mga dayuhang performer na nagtatanghal sa malalaking concert venues dito sa bansa. Dahil dito, hindi maiwasan na may ilang kababayan na mag-isip na baka hindi na pumapatok sa panlasang Pilipino ang mga OPM song. Mayroon ding nagsasabing naghihingalo na ang musikang Pilipino, pero mayroon ding nagsasabing hindi. Noong nakaraang taon, mahigit 50 ang international acts ang dumayo at nagtanghal sa malalaking concert venues sa bansa gaya sa Smart Araneta Coliseum, Mall Of Asia Arena, at maging sa Cebu. Ilan sa mga foreign act na dinumog ng mga Pinoy music fans ay kontrobersyal na "Monster Ball Tour" ng pop artist na si Lady Gaga; ang "Overexposed Tour" ng bandang Maroon 5; at "Dance Again Tour" ni Jennifer Lopez. Pumatok din ang lumalawak na fan base ng mga Korean Pop group o mas kilala bilang K-Pop music. Pero hindi lang naman mga banyagang performer ang nagpasiklab noong nakaraang taon. May ilan ding tayong local artists na nag-concert sa mga malalaking venue. Kabilang dito ang concert ng pinagsama-samang mga banda na Rock Loqal na ginanap sa SM Mall Of Asia Grounds; ang Silver Anniversary concert ni Regine Velasquez, at ang reunion concert ng Eraserheads. Pagdagsa ng foreign acts Para kay Barbie Almalbis, hindi naman naapektuhan ng patuloy na pagdagsa ng mga foreign act sa bansa ang kanyang musika. "Ako naman kasi I enjoy all kinds of music. I love OPM, I also love foreign acts. So, sa akin okay lang din naman 'yon na we welcome them," pahayag niya. "Siyempre, we don't want na tayo-tayo lang. Siyempre we all get to enjoy all kinds of music from around the world." Patuloy niya, kung mayroon mang kailangang baguhin sa pag-iisip ng mga taong mahilig sa musika, ito ay ang pagkaroon ng suporta para sa sariling musika. "Nasa tao na rin 'yon. I hope that we find it ourselves to support our own music na hindi natin kinakahiya. Di ba there are some people na, ''hindi! foreign lang pinapakinggan ko, hindi ako nakikinig ng OPM,'" paliwanag ni Barbie. Dagdag pa niya, "Siguro sa'kin 'yon kung 'yon man yung attitude na gusto kong mabago; that people will learn to support and appreciate our own stuff, our own music and learn to love our own kasi may unique din naman tayong naibibigay." Para naman sa solo artist na si Rico Blanco, bagamat dumadami ang dumadating na mga international artist, tiwala pa rin sa sarili ang kailangan upang mas maiahon pa ang musikang Pilipino. "Kasi when we make music, 'yong enjoyment namin doon sa message na ipinaparating nung whatever song we're playing or singing, the song we did, kaming apat, isang hopefully makakapag-inspire lang ng mga kababayan natin," aniya. Ang tinutukoy ni Rico ay ang pagsama-sama nila nina Barbie, Ely Buendia, at Raimund Marasigan sa isang Smart Bro endorsement kung saan gumawa sila ng remake ng awiting "Tayo'y Mga Pinoy," na unang pinasikat ni Heber Bartolome. "Konti pang... parang dagdag lang na tiwala sa sarili na ,you know, that we can, we're as good as everyone else," dagdag ni Rico. Internet at music piracy Sa pagbabago at paglawak ng teknolohiya sa buong mundo, nagiging daan na ng ilang musikero ang Internet upang higit na maikalat nila ang kanilang musika. Ayon pa kay Barbie, "It made our lives easier not just as a musician but also as a music fan di ba? Parang ngayon talaga kung ano 'yong gusto mong ma-improve sa sarili mo, as a musician, or basta lang, gusto mo lang magrefresh sa mga musical influences, parang available na lahat because of the internet." Dahil din dito, mas madali nang naisasagawa ang pamimirata hindi lang sa musika kung hindi maging sa mga palabas sa telebisyon at sa pelikula. Iginiit din ni Barbie na maliban sa kita ng kanyang albums, mas kumikita ang isang musikero sa gigs. "Before kasi talaga, before piracy and ano, the musician talaga, this is just my experience, we really earn from our gigs," ani Barbie. "The album is also there but for us, the main purpose talaga of the album is to get our music out, get our fans to enjoy our music and get them to watch our gigs." Aminado naman si Barbie na may magandang naidudulot ang makabagong teknolohiya dahil sa tulong ng internet ay mas nakikilala rin ng kanyang mga tagahanga ang kanyang musika. "So 'yon talaga, basta tuluy-tuloy lang yung support sa gigs, ano naman siya, eh, may pros and cons din, maganda kasi na mas madali na ngayong makinig ng music, parang 'yong music mo because of the internet maging available na siya," paliwanag ni Barbie. "Yung internet, I guess you cannot go backwards na. As musicians, we are trying to move forward, to adapt and find other ways to use it siguro to our advantage to something positive," mungkahi niya. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News.

Receive all updates via Facebook. Just Click the Like Button Below

?

Powered By | Gadgets Via Blogger Widgets